Photo courtesy of Mayor Maan Teodoro
Bilang bahagi ng mga pagkilos ng lokal na pamahalaan na matiyak ang sapat na supply ng tubig sa gitna ng El Niño, ininspeksiyon ni Marikina Mayor Maan Teodoro ang mga mechanized deep well ng lungsod bilang paghahanda sa posibleng matagal na panahon ng tagtuyot.
“Nagpasama tayo sa Manila Water para bisitahin at inspeksiyunin ang mga mechanized deep wells under the jurisdiction of Marikina bilang bahagi ng paghahanda natin sa posibleng matinding El Niño,” ani Teodoro sa isang post sa Facebook.
Ayon kay Teodoro, tiniyak din ng pamahalaang lungsod ang patuloy na pakikipagtulungan ng Manila Water sa lokal na pamahalaan sa mga paghahanda nito para sa El Niño.
Iginiit niya na kailangan ng sama-samang pagkilos ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga kabahayan upang mapaghandaan ang posibleng epekto ng El Niño, partikular sa pagtitipid ng tubig at pagtitiyak sa responsable nitong paggamit.
“Alam nating hindi lang gobyerno ang may responsibilidad sa paghahanda sa El Niño. Kailangan natin ang cooperation ng private sector at bawat pamilya, lalo na sa pagtitipid at responsible use of water,” wika niya.
Nagpasalamat din si Teodoro sa Manila Water at sa mga namamahala sa Angat Dam at Upper Wawa Dam sa patuloy na koordinasyon at pakikipagtulungan ng mga ito upang matiyak ang seguridad sa supply ng tubig para sa mga residente ng Marikina.
Nauna nang itinatag ni Teodoro ang Marikina El Niño Task Force sa pamamagitan ng Executive Order No. 19, Series of 2026, upang matiyak ang nagkakaisang pagkilos ng mga tanggapan ng pamahalaang lungsod at mga kaukulang ahensiya sa pagpapagaan ng posibleng epekto ng matinding El Niño at ng tag-init sa 2027.
Kumuha rin ang lokal na pamahalaan ng sariling meteorologist upang matiyak na nakabatay sa scientific data ang mga pagtataya sa lagay ng panahon ang mga hakbang at desisyon nito sa paghahanda.
Upang matugunan ang posibleng pagkaantala o kakulangan sa supply ng tubig, pinaigting ng lungsod ang pakikipag-ugnayan nito sa Manila Water upang makatulong na matiyak ang sapat na supply ng tubig at makapaghanda sa mga posibleng kakulangan.
Nakikipag-ugnayan din ang lokal na pamahalaan sa Department of Education (DepEd) Marikina upang bumuo ng mga protocol sa mga paaralan sa panahon ng matinding init at makatulong na matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ayon kay Teodoro, magpapatupad pa ang pamahalaang lungsod ng karagdagang mga hakbangin at paghahanda, at magbibigay ng napapanahong mga update upang mabigyan ng sapat na impormasyon ang mga residente.