Pinangunahan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Provincial Head Eden Ligaya Golong ang isinagawang joint High-Impact, High-Visibility Inspection (HIHVI) sa Maasin City Bus Terminal at Port Area bilang bahagi ng pinaigting na kampanya para matiyak ang pagsunod sa mga batas paggawa at mapangalagaan ang kaligtasan ng mga manggagawa at pasahero.
Isinagawa ang inspeksyon bilang paghahanda sa taunang paggunita ng Undas tuwing Nobyembre 1 at 2, kung kailan inaasahang dumarami ang mga biyahero sa mga terminal at pantalan.
Nakiisa rin sa operasyon ang mga kinatawan mula sa PhilHealth, Maritime Industry Authority (MARINA), Social Security System (SSS), Land Transportation Office (LTO), Philippine Ports Authority (PPA), Philippine Coast Guard (PCG), at pamahalaang lungsod ng Maasin, Southern Leyte.
Ayon sa DOLE Region 8, sa pamamagitan ng Southern Leyte Field Office, patuloy nitong paiigtingin ang pagpapatupad at pagbabantay sa mga regulasyon kaugnay ng paggawa at kaligtasan.
Binigyang-diin din ng ahensya na mahalaga ang pagsunod sa mga umiiral na batas at regulasyon upang mapangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa at matiyak ang ligtas at maaasahang serbisyo sa transportasyon para sa publiko.
Tiniyak ng DOLE-8 na magpapatuloy ang kanilang monitoring at enforcement activities hindi lamang ngayong panahon ng Undas kundi maging sa mga susunod na araw upang mapanatili ang kaligtasan at kapakanan ng mga manggagawa at mga komyuter.
📸 DOLE Southern Leyte