Nagsimula na ang rehabilitasyon ng C5 Boni Serrano Flyover Northbound sa Quezon City ngayong Sabado, October 31, na inaasahang magdudulot ng pansamantalang abala sa mga motorista hanggang November 3.
Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), sinimulan ang pagkukumpuni kaninang 12:00 ng madaling-araw at inaasahang muling bubuksan sa trapiko ang tulay pagsapit ng 5:00 ng umaga sa Nobyembre 3.
Kabilang sa mga isinagawang trabaho sa naturang flyover ang road repair, pagkakabit ng steel grating upang muling magsilbing drainage canal ang dating tinakpang inlet, at paglilinis at pagpipintura ng mga reflectorized delineator.
Susundan pa ito ng asphalt patching, lane marking, pagpipintura ng bakod at pagdaragdag ng mga delineator sa kahabaan ng tulay.
Ayon sa DPWH, bahagi ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mapabuti ang kaligtasan sa mga pangunahing kalsada at tulay.
Pinapayuhan ang mga motorista na planuhin ang kanilang biyahe at gumamit ng alternatibong ruta habang isinasagawa ang rehabilitasyon, lalo na ngayong Undas.