Interesado ang pinakamalaking investment firm sa Canada na Brookfield Corporation na palawakin pa ang pamumuhunan nito sa Pilipinas, partikular sa renewable energy, na inaasahang lilikha ng trabaho at tutulong sa pagpapabuti ng suplay ng kuryente sa bansa.
Tinalakay nina Finance Secretary Frederick Go at mga opisyal ng Brookfield Corporation ang mga posibleng oportunidad sa pamumuhunan sa renewable energy upang mapalakas ang kapasidad ng bansa sa enerhiya at matugunan ang tumataas na pangangailangan ng mga kabahayan at negosyo.
Kasalukuyang mayroon na ring operasyon sa Pilipinas ang Brookfield sa business process outsourcing o BPO industry sa pamamagitan ng Everise, na kasalukuyang nagbibigay ng trabaho sa tinatayang 7,000 Pilipino.
Inaasahan namang makatutulong ang planong pagpapalawak ng kumpanya sa pagsisikap ng pamahalaan na makahikayat ng pangmatagalang pamumuhunan at makalikha ng mas maraming kabuhayan. | ulat ni Ej Lazaro