Naglunsad ng Search and Rescue o SAR operations ang Philippine Coast Guard sa Southeastern Mindanao para hanapin ang isang 16-anyos na binatilyong nalunod at nawawala sa isang private resort sa Barangay Kingking, Pantukan, Davao de Oro noong Oktubre 31.

Ayon sa Coast Guard District Southeastern Mindanao, tatlong teenager ang naliligo sa resort nang magkahiwalay ang mga ito sa isa’t isa.
Matagumpay namang nasagip ang dalawang magkapatid na edad 15 at 12, habang lumubog sa tubig ang kanilang 16-anyos na kasama na umano’y hindi marunong lumangoy at hindi na muling lumitaw.
Agad na rumesponde ang Coast Guard Sub-Station Tagdangua matapos makatanggap ng ulat mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office o MDRRMO ng Pantukan.
Nakiisa rin sa search and rescue operations ang Coast Guard Station Davao de Oro, MDRRMO Pantukan at isang volunteer diver mula sa Barangay Tibagon.
Batay sa ulat, nagpapatuloy pa ang paghahanap sa nawawalang binatilyo hanggang alas-sais bente-siyete ng gabi noong Oktubre 31.
Kaugnay nito, nagpaalala ang Coast Guard sa publiko, lalo na sa mga pamilyang namamasyal ngayong Undas, na palaging unahin ang kaligtasan sa tuwing magtutungo sa mga beach at resort.
Pinayuhan din ang mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak, iwasan ang paglangoy sa malalalim o hindi pamilyar na lugar at pumili lamang ng mga swimming area na may sapat na kagamitang pangkaligtasan at mga nakatalagang tauhan.
📷 Coast Guard District Southeastern Mindanao