Photo courtesy of Caloocan City Government
Tuloy-tuloy ang pagdating ng mga dumadalaw sa mga sementeryo sa Caloocan City ngayong Undas.
Sa pinakahuling tala kahapon ng hapon, umabot na sa 37,402 indibidwal ang bumisita sa walong sementeryo sa lungsod upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay.
Sa South Caloocan, 6,078 ang naitala sa Sangandaan Cemetery, 6,771 sa Eternal Gardens Memorial Park, 2,862 sa La Loma Cemetery at 900 sa San Pancracio.
Samantala, sa North Caloocan, 9,205 ang dumalaw sa Forest Park Memorial, 3,527 sa Serenity Memorial Gardens, 1,185 sa Bagbaguin Cemetery at 6,874 naman sa Tala Cemetery.
Patuloy namang pinaaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na sundin ang mga panuntunan sa Undas.
Partikular ang mahigpit na pagbabawal sa pagdadala ng mga ipinagbabawal na bagay sa loob ng mga sementeryo. Nakaantabay rin ang mga tauhan ng lokal na pamahalaan at mga katuwang na ahensya upang matiyak ang kaligtasan at kaayusan ng mga dumadalaw.