May kabuuang 114 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa Ilocos Region ang nakapagparehistro na bilang miyembro ng Social Security System (SSS) sa ilalim ng AlkanSSSya Program.
Pinagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at SSS ang pagpapatupad ng programa upang mahikayat ang mga benepisyaryo, partikular ang mga kabilang sa impormal na sektor, na magkaroon ng regular na ipon at makapaghanda para sa kanilang kinabukasan.
Isinagawa ang pilot implementation sa apat na lalawigan ng rehiyon—La Union, Ilocos Sur, Ilocos Norte at Pangasinan—sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang asosasyon ng mga benepisyaryo at livelihood association.
Sa ilalim ng programa, magtatabi ang bawat kalahok ng maliit na halaga araw-araw sa kanilang AlkanSSSya savings container hanggang makumpleto ang kasalukuyang minimum na buwanang kontribusyon na ₱760 para sa mga self-employed member.
May itinalagang kolektor sa bawat asosasyon na mangangasiwa sa pag-iipon at paghuhulog ng kontribusyon sa SSS kada buwan.
Sa pamamagitan ng pagiging miyembro ng SSS, maaari silang maging kuwalipikado sa iba’t ibang benepisyo gaya ng sickness, maternity, disability, retirement, at death benefits, gayundin sa mga pautang, alinsunod sa mga itinakdang kontribusyon at kwalipikasyon.
Inaasahang palalawakin pa ng DSWD Field Office 1 at SSS ang programa upang mas marami pang benepisyaryo ng 4Ps sa rehiyon ang mahikayat na mag-ipon at magkaroon ng proteksiyong panlipunan.