Kinumpirma ng pamunuan ng Himlayang Pilipino Memorial Park na isang suspek ang naaresto matapos mahuli sa pagnanakaw ng isang bronze marker o lapida na gawa sa tanso.
Ayon kay Engr. Michael Abiog, park operations manager, isinumbong ng pamilya ng may-ari ng puntod ang insidente. Sa tulong ng pulisya at ng isang saksi, agad na nahuli ang suspek at nabawi rin ang ninakaw na lapida.
Ito umano ang unang pagkakataong nangyari ang ganitong insidente sa naturang sementeryo.
Maliban dito at sa ilang maliliit na alitan tungkol sa parking slots, wala nang naitalang anumang major untoward incident sa Himlayang Pilipino ngayong Undas.
Sa isinagawang pag-iikot ng Quezon City Police District (QCPD), ilang ipinagbabawal na gamit, gaya ng alak, lighter, sigarilyo, at vape, ang nakumpiska sa loob ng sementeryo.
Samantala, umabot sa 55,000 ang bilang ng mga dumalaw sa Himlayang Pilipino noong November 1.
As of 10am naman ngayong All Souls Day, umabot na sa higit 5,357 na ang crowd estimate sa Himlayang Pilipino at inaasahang hindi na ganun kalaki ang hahabol pang bumisita rito.
Hindi na rin pahihintulutan ang overnight stay dahil hanggang alas-6 nalang ng gabi bukas ang sementeryo ngayon.