Walang naitalang malaking insidente sa mga sementeryo sa Maynila sa unang araw ng paggunita ng Undas 2026 nitong Linggo, Nobyembre 1.
Ayon kay Manila Police District o MPD Spokesperson Police Major Philipp Ines, naging epektibo ang mga inilatag na security measures sa kabila ng pagdagsa ng mahigit isang milyong bisita sa mga pangunahing sementeryo sa lungsod.
Batay sa assessment ng MPD, mas kaunti rin ang mga nakumpiskang ipinagbabawal na gamit sa Manila North Cemetery kumpara noong nakaraang taon.
Ayon kay Ines, indikasyon ito na naging epektibo ang mga paalala at information campaign ng pulisya bago ang paggunita ng Undas.
Kabilang sa mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng mga sementeryo ang alak, sigarilyo, lighter, matutulis na kagamitan at iba pang bagay na maaaring magdulot ng panganib sa mga bisita.
Samantala, umabot sa 1,211,200 ang mga bumisita sa Manila North Cemetery hanggang alas-singko ng hapon noong Nobyembre 1.
Nakapagtala naman ang Manila South Cemetery ng 212,639 bisita hanggang alas-kuwatro ng hapon.
Sa kabuuan, mahigit 1.4 milyong bisita ang naitala sa dalawang sementeryo batay sa magkaibang oras ng monitoring.
Humigit-kumulang 1,500 tauhan ng MPD ang inilaan para sa pagbabantay sa mga pangunahing sementeryo sa lungsod, katuwang ang iba pang security personnel at mga tauhan ng lokal na pamahalaan.
Bukod sa police visibility, gumamit din ang MPD ng CCTV monitoring, drone surveillance at mga pulis na nakasibilyan upang maiwasan ang krimen at mapanatili ang kaayusan.
Tiniyak naman ng pulisya na magpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay ngayong Nobyembre 2, Araw ng mga Kaluluwa, dahil inaasahan pa ang pagdating ng mga karagdagang bisita.