Photo courtesy of PCG
Umabot na sa halos 1.2 milyon ang kabuuang bilang ng inbound at outbound passengers na naitala ng Philippine Coast Guard o PCG sa mga pantalan sa buong bansa mula Oktubre 29 hanggang alas-sais ng umaga ngayong Nobyembre 2, kaugnay ng Oplan Biyaheng Ayos: Undas 2026.
Batay sa pinakahuling datos ng PCG, umabot sa 623,957 ang outbound passengers habang 565,772 naman ang inbound passengers, o kabuuang 1,189,729 passenger movements.
Mula alas-dose ng hatinggabi hanggang alas-sais ngayong umaga, nakapagtala ang PCG ng karagdagang 12,108 outbound at 11,414 inbound passengers.
Naitala naman sa Coast Guard District Western Visayas ang pinakamataas na bilang ng mga pasahero sa naturang anim na oras, na umabot sa 3,942.
Kasabay nito, nakapagsagawa rin ang PCG ng inspeksyon sa 145 barko at 122 motorbanca, habang naitala ang 4,190 inbound at outbound rolling cargoes.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, inaasahan ang muling pagdagsa ng mga pasahero ngayong hapon dahil sa pagbabalikan ng mga biyahero at bakasyunista matapos ang paggunita sa Undas.