Posibleng matapos na sa Nobyembre ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kung 10 full trial days lamang ang gagamitin ng defense panel sa kanilang presentasyon ng ebidensya.
Ito ang pananaw ni House lead prosecutor Atty. Gerville Luistro, na umaasang mapabibilis ang paglilitis kasunod ng pag-urong ng prosekusyon sa tatlo sa apat na articles of impeachment.
Ayon kay Luistro, orihinal na 30 trial days ang hiniling ng depensa sa pre-trial order upang maiprisinta ang kanilang mga ebidensya.
Gayunman, dahil isa na lamang ang natitirang impeachment article na haharapin, umaasa ang prosekusyon na 10 buong araw na lamang ang kakailanganin ng depensa.
Aminado naman si Luistro na maaari pa ring umabot ng Disyembre ang paglilitis kung lalampas sa 10 araw ang presentasyon ng depensa.
Gayunman, umaasa siyang matatapos ito bago mag-Pasko upang magkaroon na ng closure ang impeachment proceedings.