Nanawagan ang Digital Pinoys sa Malacañang na magtalaga ng susunod na kalihim ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na handang gumawa ng mahihirap na desisyon at magpatupad ng mga kinakailangang regulasyon.
Kasunod ito ng pagbibitiw ni DICT Secretary Henry Aguda, na pinasalamatan ng grupo sa kanyang paglilingkod.
Ayon sa Digital Pinoys, dapat magkaroon ng malinaw na kapangyarihan at pananagutan ang susunod na kalihim para epektibong mapamunuan ang buong departamento, habang bukas sa pakikipagtulungan sa ibat ibang sektor.
Binigyang-diin din ng grupo, na hindi lamang pagpapalawak ng internet connectivity ang digital transformation. Kabilang din dito ang pagprotekta sa mga Pilipino laban sa mga banta online.


