Pinaiigting ng National Irrigation Administration o NIA-8 ang paghahanda upang mabawasan ang epekto ng posibleng Strong El Niño sa mga magsasaka at suplay ng tubig para sa irigasyon sa Eastern Visayas.
Ayon kay Engr. Haydee D. Amante, Operations Section Chief ng NIA-8, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa Department of Agriculture at mga lokal na pamahalaan upang matukoy ang mga hakbang na makatutulong sa mga magsasaka, kabilang ang pagtatanim ng alternatibong pananim at pagtatatag ng maliliit na kabuhayan.
Sa unang linggo ng Oktubre, anim na irrigation system sa Leyte ang nakapagtala na ng mas mababa sa normal na antas ng tubig. Kabilang dito ang mga sistema ng Tingib, Balire South River, Gibugan, Mainit River, Pongso River at Bao River.
Pinapayuhan ng NIA ang mga magsasaka na magtipid sa tubig, sumunod sa iskedyul ng irigasyon, panatilihing malinis ang mga kanal at gumamit ng mga barayti ng palay na angkop sa maikling panahon ng pagtatanim o tagtuyot.
Nauna nang iniutos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang koordinadong pagtugon ng pamahalaan sa posibleng epekto ng strong El Niño sa pagkain, tubig, enerhiya, kalusugan at kaligtasan ng publiko.
Patuloy namang minomonitor ng NIA ang antas ng tubig at nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang maagap na tulong sa mga magsasakang maaapektuhan ng tagtuyot. | ulat ni Penelope Pomida, RP Borongan
📸 PIA Leyte