Sinisiguro ng Department of Social Welfare and Development na paiigtingin pa ang mga programa nito kontra-
kahirapan at gutom, kasunod ng pagtaas ng bilang ng mga pamilyang nagsasabing sila ay mahirap.
Batay sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations , umakyat sa 55% ang self-rated poverty noong Setyembre, mula sa 49% noong June.
Tumaas din sa 44% ang self-rated food poverty o mga pamilyang nagsasabing nakararanas sila ng kakulangan sa pagkain, mula sa 36% noong June.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, gagamitin ng ahensiya ang resulta ng survey upang masuri at mapahusay ang mga programa at serbisyong panlipunan.
Kabilang sa mga programang patuloy na paiigtingin ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program , Sustainable Livelihood Program, at Walang Gutom Program.
Sa ilalim ng Walang Gutom Program, tumatanggap ang mga benepisyaryong pamilya ng tig-P3,000 food credits bawat buwan para sa masustansyang pagkain.
Plano rin ng DSWD na palawakin sa 12 ang Walang Gutom Kitchens ngayong taon upang makapaghatid ng libreng pagkain sa mga pamilyang nangangailangan. | ulat ni Rey Ferrer