Inaalam na ng mga awtoridad kung ginamit din para sa surveillance sa mga pasilidad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang sinalakay na POGO hub sa Cubao, Quezon City.
Sa panayam ng Defense Press Corps, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na bukas ang lahat ng posibilidad, lalo’t malapit ang lugar sa Camp Aguinaldo at Camp Crame.
Kumikilos na anya ang intelligence at ibang mga awtoridad para malaman kung talagang scamming activities lang din ang kanilang ginagawa.
Sa ngayon, hinihintay ng Department of National Defense (DND) ang resulta ng forensic investigation sa mga narekober mula sa mga naaresto.
Babala ni Teodoro, mula sa malalaking POGO hub gaya ng 18 gusaling kinasangkutan ni Alice Guo, lumiliit na ang mga ito at kumakalat sa mas maliliit na grupo. Kaya mahalaga aniya ang pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya para matukoy at mabuwag ang mga ito.
Matatandaang kinumpirma ng AFP ang pagkakaaresto sa 76 na dayuhan, karamihan ay Chinese national, sa ikinasang joint operation laban sa hinihinalang iligal na POGO hub sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City.