Nasa 67% ng 49 na Local Government Units (LGU) sa Davao Region ang nagsimula nang magpatupad ng mga hakbang sa paghahanda laban sa inaasahang epekto ng Very Strong El Niño.
Ito ang inihayag ni Office of Civil Defense (OCD) 11 Regional Director Ednar Dayanghirang, na nagsabing patuloy nilang binabantayan at sinusubaybayan ang mga paghahanda ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Paliwanag ni Dayanghirang, kabilang sa tungkulin ng OCD ang pag-coordinate, pagmomonitor at pagsubaybay sa mga LGU, gayundin ang paggabay sa mga alkalde at gobernador sa paghahanda ng kanilang mga komunidad.
Bilang halimbawa, binanggit ni Dayanghirang ang Davao Oriental, kung saan bumuo ang lalawigan ng isang El Niño Task Force para tumutok sa paghahanda.
Nailatag na rin umano ng nasabing lalawigan nitong nakaraang linggo ang kanilang Contingency Plan para sa El Niño.
Inilahad ni Dayanghirang na sa nabanggit na bilang na mga LGU sa rehiyon, karamihan dito ay naglabas na ng Executive Order bilang gabay sa paghahanda sa matinding init.