Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon at validation ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa nangyaring mga insidente ng fish kill sa Romblon at aquaculture facility sa Dagupan.
Sa panayam ng programang Boses kay BFAR Spokesperson Nazario Birguera, sinabi nitong isa sa mga tinitingnan nilang dahilan ay ang thermal stress sa mga isdang nanatili sa tidal flats o mababaw na bahagi ng karagatan kaya naganap ang fish kill.
Ngunit kinakailangan pang masuportahan ito ng mga pag-aaral mula sa mga ground personnel bago ito direktang iugnay sa El Niño.
Ganitong validation din ang isinasagawa sa aquaculture facility sa Dagupan na nagkaroon din ng fish kill sa mga isdang bangus.
Payo naman ng BFAR sa mga aquaculture stakeholders na palagiang sundin ang good aquaculture practices.
Kabilang nga sa mga tinukoy na good aquaculture practices ang mga sumusunod:
–Pagsunod sa tamang stocking density ng mga isda sa mga fish cage, pen o pond upang maiwasan ang siksikan ng mga isda
–Iwasan ang sobra-sobrang pagpapakain ng feeds sa mga isda dahil ang mga natitirag feeds na hindi nako-konsumo ay nagiging dahilan ng pagtaas ng lebel ng ammonia na nagpapababa naman sa lebel ng dissolved oxygen
–Magsagawa rin ng mga pamamaraan upang mabawasan ang thermal stress sa mga fish cage, pen o pond.