Buong araw ng Miyerkules, Oktubre 14, 2026, nanatiling VERY UNHEALTHY ang kalidad ng hangin sa Metro Cebu, batay sa monitoring report ng EMB Central Visayas.
Hindi nabago ang kategorya ng air quality index sa Metro Cebu ayon sa inilabas na datos ng DENR 7 simula alas-7 ng umaga, alas-11 ng tanghali, at alas-4 ng hapon.
Patuloy na itinuturong dahilan sa peligrosong kalidad ng hangin ang mga local emission source tulad ng mga sasakyan (motor vehicle), operasyong industriyal (industrial operations), at area specific activities, na sinabayan pa ng hindi paborableng kalagayan ng panahon partikular ang sinasabing mababang temperatura na nagiging sanhi ng pagka-trap ng fine particulate matter mula sa polusyon.
Kapag nalanghap ng tao, maaari itong magdulot ng pinsala sa kalusugan, lalo na sa respiratory system.
Kaugnay nito, pinag-iingat at pinapayuhan ang publiko na manatili sa loob ng bahay at magsuot ng face mask kung lalabas.
Gayunpaman, buong araw ding naitala sa GOOD o ligtas na kalidad ng hangin ang Toledo City.
Inaabangan din kung mananatiling suspended ang mga klase sa mga LGU ng Metro Cebu o babalik na sa face-to-face class sa araw ng Huwebes, Oktubre 15, 2026.
📸 EMB Central Visayas