Naniniwala rin sina Senador Bong Go at Senador JV Ejercito na dapat matiyak ang patas na paglilitis sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang pagbibigay ng pagkakataon sa Depensa na maipahayag ang panig nito sa mga binawing Articles of Impeachment.
Ito ang sagot ng mga senador kaugnay ng pag-urong ng Prosekusyon ng Article 1, 3, at 4 sa Impeachment Case laban sa Bise Presidente.
Ayon kay Go, mahalagang mabigyan ng patas na pagkakataong lumaban ang magkabilang panig, sa halip na isa lamang ang makapaglahad ng argumento.
Sinabi rin ng senador na karapatan ng Prosekusyon na magpasya sa estratehiya nito, habang nasa Impeachment Court naman ang kapangyarihang magpasya sa mga usaping inihaharap dito.
Samantala, sinabi ni Ejercito na bagama’t nagulat sila sa naging hakbang ng Prosekusyon na bawiin ang tatlong impeachment articles, mas mainam sanang marinig ang magkabilang panig bilang bahagi ng due process.
Pinahayag pa ng Senate Finance chief na kung sakali ay sana tinapos at pinaglaanan na lang nila ng mas mahabang panahon ang pagdinig sa panukalang 2027 national budget.
Gayunman, sinabi niyang nagtitiwala sila kay Impeachment Court Presiding Officer Chiz Escudero sa paghawak ng naturang usapin.