Naniniwala si Senator-Judge Joel Villanueva na dapat mabigyan si Vice President Sara Duterte ng pagkakataong maipagtanggol ang sarili laban sa mga alegasyong inilahad sa dalawang artikulo ng impeachment complaint na kalauna’y binawi ng prosekusyon.
Partikular na tinukoy ng senador ang Articles 1 (Misuse of Confidential Funds) at Article 4 (Grave Threat) na naipresenta na ng prosekusyon sa Impeachment Court, pero winithdraw o binawi nitong Lunes.
Ayon kay Villanueva, kung narinig na ng publiko ang mga paratang laban sa Bise Presidente, nararapat lamang na mabigyan din siya ng pagkakataong maipaliwanag ang kaniyang panig bilang bahagi ng patas na paglilitis.
Aminado rin ang senador na makatwiran ang pangamba ng publiko sa oras at pera ng taumbayan na nagamit sa halos tatlong buwang paglilitis bago binawi ang tatlong impeachment articles.
Gayunman, nilinaw ni Villanueva na iginagalang niya ang estratehiya ng prosekusyon at hindi dapat sisihin ang mga ito sa paggamit ng mga paraang pinahihintulutan sa proseso.
Binigyang-diin niyang bilang isang senator-judge, tungkulin niyang tiyaking patas at makatarungan ang pagtrato sa magkabilang panig.
Pinunto rin ni Senator Joel na nakahain pa rin ang Motion for Reconsideration para sa naging ruling ng Impeachment Court nitong Lunes.