Ipinagmalaki ng Pilipinas ang matagumpay nitong pakikipagtulungan sa mga higanteng social media platform na Meta at TikTok Philippines upang tanggalin ang nasa 250,000 online posts na nag-aalok ng mga mapanlinlang o pekeng trabaho sa ibang bansa.
Ito ay ibinunyag ng Department of Migrant Workers (DMW) sa naganap na 19th ASEAN Forum on Migrant Labour (AFML) na ginanap noong Oktubre 14 hanggang 15 sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Lungsod ng Pasay.
Sa sesyon patungkol sa mga bagong uso at hamon sa online recruitment, binigyang-diin ni DMW Undersecretary Darlene Pajarito ang kahalagahan ng sama-samang pagkilos ng mga pamahalaan, digital platforms, at iba pang sektor upang maprotektahan ang mga nagbabalak mangibang-bansa.
“We cannot work in silos. That’s why we also forged many memoranda of agreement with concerned agencies, published materials for public awareness, and took down fraudulent job posts through our partnership with Meta and TikTok Philippines,” ani Pajarito.
Pagtutulungan sa ASEAN laban sa Scam
Ang naturang sesyon ay nag-pokus sa pag-uusisa sa mga mapanlinlang na alok na trabaho, mga online recruitment platforms, at ang papel ng regulasyon upang maiwasan ang mga scam na naglalayong biktima ang mga manggagawang migrante.
Bukod sa Pilipinas, nagbahagi rin ng kani-kanilang pananaw at hakbang ang iba’t ibang kinatawan mula sa rehiyon ng ASEAN:
- Geertrui Lanneau (International Organization for Migration o IOM) — Tinalakay ang mga lumalalang padron ng mapanlinlang na online recruitment.
- Khim Sosamrach (Ministry of Employment and Manpower ng Cambodia) — Naglahad ng pangkalahatang ulat ukol sa mga online job-matching platform.
- David Lam (ISEAS–Yusof Ishak Institute) — Binigyang-diin ang kahalagahan ng regulasyon sa mga platform upang labanan ang mga cyber scam.
Panawagan sa Kongkreto at Pangmatagalang Aksyon
Maliban sa mga pekeng alok na trabaho, tinalakay din sa forum ang pagbibigay ng karampatang proteksyon, suporta, at legal na tulong para sa mga biktima ng recruitment fraud.
Hinikayat naman ni Kongseng Piengpanya, coordinator ng Village Focus International, ang mga kasapi ng ASEAN na gawing kongkretong hakbang ang mga napag-usapan sa naturang pagtitipon.
Samantala, muling iginiit ni Gigi Mathay, deputy general secretary ng ASEAN Trade Union Council, ang kahalagahan ng tunay na pagbabago sa buhay ng mga manggagawa. “Our progress must be measured not by the meetings we hold, but by the tangible improvement in the daily lives of every migrant worker in the region. Let us remember that – Migration is a Human Right. Let’s make decent work the reality for all,” aniya.