Sa tuloy-tuloy na pag-agapay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga apektado ng El Niño, sumampa na rin sa higit ₱732-M ang naipaabot nitong tulong pinansyal sa mga apektadong komunidad.
Ito ay sa pamamagitan ng pamahahagi ng emergency cash transfer partikular sa mga unang natamaan ng matinding tagtuyot kabilang ang Region 2.
Batay sa tala ng DSWD, aabot na sa halos 67,000 na mga benepisyaryo ang nakatanggap ng ECT sa Cagayan habang higit 10,000 din ang nakinabang nito sa Isabela.
Bukod sa tulong pinansyal, nakapagpamamahagi na rin ang DSWD ng 57,152 family food packs at humigit-kumulang 3,660 non-food items.
Samantala, patuloy na pinaiigting ng DSWD ang paghahanda nito laban sa epekto ng El Niño kung saan may mga mobile water treatment unit at water tanker na ring idinedeploy para makapagbigay ng malinis at ligtas na inuming tubig sa mga komunidad na nakararanas ng kakulangan sa suplay.