Patuloy na pinalalawak ng Manila Water ang mga pinagkukunan ng tubig at pagpapatayo ng mga pasilidad para matiyak ang tuloy-tuloy na suplay sa East Zone sa kabila ng epekto ng El Niño.
Kabilang sa mga pangunahing proyekto ng kumpanya ang halos tapos nang East Bay Phase 2 Water Supply System, na kukuha ng suplay mula sa silangang bahagi ng Laguna Lake.
Kumpleto na ang 31.5-kilometrong submarine transmission pipelines ng proyekto, na inaasahang magdaragdag ng 200 million liters per day (MLD) sa suplay ng tubig.
Kapag pinagsama sa umiiral na 50-MLD East Bay Phase 1 Water Treatment Plant, aabot sa 250 MLD ang kapasidad ng mga pasilidad na kumukuha ng tubig mula sa Laguna Lake.
Halos tapos na rin ang 220-MLD Kaysakat Water Treatment Plant sa Antipolo City. Bahagi ito ng Wawa-Calawis o Kaysakat Water Supply System Phase 2 at magpoproseso ng tubig mula sa Wawa Dam system.
Bukod sa mga bagong proyekto, kabilang din sa mga pasilidad na nagpapalakas sa suplay ng Manila Water ang 100-MLD Cardona Water Treatment Plant at 80-MLD Calawis Water Treatment Plant.
