Umapela si Senador Erwin Tulfo na bilisan ang pagbabayad ng kompensasyon sa mga pamilyang naapektuhan ng Marawi siege, siyam na taon matapos ang pagkawasak ng lungsod.
Sa deliberasyon ng 2027 budget ng Marawi Compensation Board, kinuwestiyon ni Tulfo kung bakit marami pa ring residente ang hindi nakatatanggap ng bayad at hindi pa nakakabalik sa kanilang mga tahanan.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito, tinatayang wala pang limang libong claimant ang target na mabayaran sa 2027. Gayunman, nilinaw niyang halos sampung libo ang kabuuang bilang ng mga hindi pa nababayarang claimant batay sa kanilang mga rekord.
Tinatayang P5 billion ang kailangan para mabayaran ang mga natitirang claimant.
Kabilang sa mga hinihinging kompensasyon ang para sa mga nasirang bahay, personal na ari-arian, negosyo at mga namatay noong panahon ng siege.
Sinabi ni Ejercito na nasa P9.3 billion na ang kabuuang pondong inilaan ng gobyerno sa rehabilitasyon ng Marawi. Batay naman sa master plan ng Marawi Compensation Board, karagdagang P5 billion na lang ang kailangan para mabayaran ang mga natitirang claimant.
Gayunman, iginiit ni Tulfo na dapat may sapat na dokumentasyon at monitoring upang matiyak na ginagamit ang kompensasyon para sa rehabilitasyon at hindi nasasayang ang pera ng bayan.
Target ng Compensation Board na matapos ang pagbabayad bago ang June 2028, alinsunod sa sunset provision ng batas.
Sa ngayon, lusot na sa plenaryo ng Senado ang panukalang budget ng Marawi Compensation Board. | ulat ni Nimfa Asuncion