Pasado na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, ang panukalang mag-regulate sa paggamit ng social media at artificial intelligence o AI upang labanan ang fake news at disinformation sa panahon ng halalan.
Sa pagdinig na pinangunahan ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, inaprubahan ng komite ang substitute bill, subject to style.
Binigyang-diin ni Adiong ang pangangailangang maihanda ang mga panuntunan bago ang 2028 elections, dahil inaasahang mas gagamitin ang AI sa pagpapakalat ng maling impormasyon at pag-atake sa mga kandidato.
Ibinahagi rin niyang naging target siya ng fake news noong nakaraang halalan.
Binanggit din ni Adiong ang posibilidad ng foreign interference sa pamamagitan ng mga troll network.
Tiniyak naman niyang isasaalang-alang ng komite ang mga rekomendasyon ng stakeholders para mas mapabuti pa ang panukala.
Samantala, pinag-aaralan din ng COMELEC na gawing election offense ang paggamit ng AI sa pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa mga kandidato, na maaari ring maging batayan sa diskwalipikasyon. | ulat ni Kathleen Forbes