Kiko Pangilinan
Pinanawagan muli ni Senador Kiko Pangilinan, sponsor ng Department of Agriculture (DA) budget, kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagdedeklara ng state of national calamity para magamit ang calamity fund sa lahat ng mga nasa sektor ng agrikultura na maaapektuhan ng matinding El Niño.
Sa plenary deliberations na panukalang 2027 budget ng DA, sinabi ni Pangilinan na tinatayang 1.67 million lang sa 4.3 milyong magsasaka at mangingisdang posibleng maapektuhan ng El Niño ang makatatanggap ng tig-₱3,000 na cash assistance mula sa ahensya.
Ayon kay Pangilinan, dahil kulang ang pondo ay pinag-uugnay na ng DA ang iba pang programa ng pamahalaan para matulungan ang mga hindi masasaklaw ng ₱5 bilyong pondo para sa ayuda.
Kabilang dito ang TUPAD at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) gayundin ang YAKAP program ng PhilHealth.
May karagdagang ₱6 bilyong rin mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) para sa mga magsasaka ng palay.
Aminado ang senador na kulang pa rin ang pondo para sa lahat ng maaapektuhan kaya makakatulong ang calamity fund.
Samantala, tinanong din ni Sen. Risa Hontiveros kung paano maiiwasan ang mga maling pangalan at hindi kwalipikadong benepisyaryo sa pamamahagi ng ayuda.
Ayon kay Pangilinan, lingguhang nililinis ng DA ang Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).