Siniguro ni Senate Committee on Finance Chairman Senador JV Ejercito na magsasagawa ng independent review ang senado ng panukalang 7.2 trillion pesos 2027 national budget.
Ayon kay Ejercito, hindi basta tatanggapin ng Senado ang bersyon ng panukalang budget na inaprubahan na ng Kamara.
Itutulak rin aniya nila ang mga kinakailangang pagbabago kung may makikitang kuwestiyonableng realignment o kulang na pondo sa mahahalagang programa.
Sinabi ng senador na kailangang may malinaw na batayan at maipapaliwanag sa publiko ang bawat pagbabago sa alokasyon, kabilang kung saan kukunin ang pondong ililipat sa ibang proyekto.
Kasama sa mga itutulak niyang prayoridad ang pagpapahusay sa imprastraktura at kagamitang medikal ng mga ospital, pagpapalawak ng Zero Balance Billing at pagpapabuti ng mga benepisyo ng PhilHealth.
Nanawagan din si Ejercito ng mas malaking Calamity Fund bilang paghahanda sa inaasahang Super El Niño. | ulat ni Nimfa Asuncion