Office of Sen. Ping Lacson
Hinimok ni Senate Committee on Accounts Chairman Senador Ping Lacson ang tagapagsalita ni Vice President Sara Duterte na si Salvador Paolo Panelo Jr. na itama ang pahayag nitong nasayang ang P500 million na pera ng bayan sa 20 araw na pagdinig sa impeachment trial.
Ayon kay Lacson, posibleng nagkamali lang si Panelo sa interpretasyon ng P25 million gastos kada araw ng Senado.
Paliwanag niya, ang P25 million na halaga ay tumutukoy sa regular na operasyon ng Senado bilang lehislatura at hindi sa mismong impeachment proceedings.
Sinabi ni Lacson na sa ilalim ng 2025 General Appropriations Act ay naglaan ng P27.5 million para sa impeachment trial, pero humigit-kumulang P2 million pa lang ang nagastos para sa mga toga ng senator-judges at iba pang kagamitan.
Ang natitirang pondo ay sakop ng continuing appropriations na maaaring gamitin hanggang December 2026.
Una nang iginiit ni Panelo na umabot sa P500 milyon ang ginastos ng Senado sa 20 araw na pagdinig sa Articles I at IV ng impeachment complaint laban kay VP Sara, na kalaunan ay binawi ng prosekusyon.
Gayunman, iginiit ni Lacson na nakalilinlang ang naturang halaga kung ipapakahulugang ito ang aktuwal na gastos sa buong impeachment trial lang. | ulat ni Nimfa Asuncion