Bagaman matagal nang suspendido ang direktang komunikasyon ng Department of National Defense (DND) sa Chinese counterpart nito, nilinaw ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na bukas pa rin ang komunikasyon ng Pilipinas sa China sa pamamagitan ng ilang ahensya ng pamahalaan, gaya ng Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Foreign Affairs.
Ayon kay Teodoro, halos tatlong taon na mula nang ihinto ang komunikasyon dahil inaabuso umano ng China ang proseso.
Hindi aniya totoo ang mga ulat na kamakailan lang ito nangyari.
Paliwanag ng kalihim, ang PCG, na isang civilian agency, ay nakatuon sa pagpapatupad ng batas at kaligtasan sa karagatan, kaya’t mahalagang bukas ang kanilang komunikasyon. Sa DFA naman aniya dapat dumaan ang mga ito.
Pero pagdating sa Armed Forces of the Philippines, na isang instrumento ng soberanya ng bansa, hindi aniya ito nararapat sa kasalukuyang sitwasyon dahil magdudulot lamang ito ng kalituhan sa mga pagsisikap sa West Philippine Sea at sa iba pang lugar.
Nirerepaso rin ng DND ang silbi ng defense attaché ng bansa sa Beijing. Wala naman aniyang exchanges ang DND sa China, at may kani-kaniyang ambassador ang dalawang bansa.
Samantala, sa tanong kung iimbitahan ang China sa gaganaping 13th ADMM-Plus sa Lapu-Lapu City, Cebu, sinabi ni Teodoro na kung siya ang tatanungin, mahirap ito dahil sa kasalukuyang sitwasyon, bagaman maaaring may iba pang paraan para ito’y makalahok.