Muling pinaalalahanan ng Department of Migrant Workers o DMW ang mga Overseas Filipino Worker o OFW sa Middle East, partikular sa Saudi Arabia, na maging maingat sa pagbabahagi ng impormasyon sa social media sa gitna ng umiiral na tensyon sa rehiyon.
Kasunod ito ng iniulat na pag-atake sa King Khalid International Airport noong Oktubre 10, 2026 na nagdulot ng pangamba sa kaligtasan ng mga kababayan doon.
Binigyang-diin ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na mahigpit ang mga umiiral na protocol sa Kingdom of Saudi Arabia laban sa pagpapakalat ng false information o hindi kumpirmadong mga balita.
Ipinayo ng kalihim sa mga OFW na iwasan ang pagpapakalat ng mga haka-haka o personal na opinyon upang hindi malagay sa panganib ang kani-kanilang trabaho at pananatili sa bansa.
Nagbabala rin ang DMW na ang paglabag sa mga batas na ito ay maaaring humantong sa mabibigat na parusa tulad ng pagkakakulong o deportasyon.
Dahil dito, nanawagan ang kagawaran sa mga manggagawa na kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga opisyal at mapagkakatiwalaang sanggunian hinggil sa sitwasyon sa seguridad ng Middle East.