Nanindigan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na dadaan sa masusing pagsusuri ang bersyon ng Kamara de Representantes para sa 2027 national budget, kaakibat ang pakikipagtulungan sa People’s Budget Coalition.
“Hindi tayo papayag na walang documentation,” pahayag ni Dizon.
Una nang inalmahan ng People’s Budget Coalition ang bilyun-bilyong pisong halaga ng mga lokal na proyektong pang-imprastruktura na umano’y isiningit ng mga mambabatas sa Kamara.
Ayon sa koalisyon, ang mga naturang proyekto ay kapansin-pansing walang nakikitang mga pampublikong programa ng gawain (program of work) o mga kaukulang dokumentong sumusuporta sa mga ito.
Sa kabila nito, tiniyak ni Dizon na magiging transparent ang ahensya sa pagsusuri ng budget upang matiyak na ang bawat pondo ng bayan ay may malinaw na basehan at dokumentasyon bago tuluyang aprubahan.