Hinarang ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 28-anyos na lalaking pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos matuklasang peke ang departure stamp sa kanyang pasaporte habang nakatakdang bumiyahe patungong Malaysia noong gabi ng Oktubre 7.
Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) ng BI, isinailalim sa masusing pagsusuri ang pasahero matapos mapansin ng immigration inspector ang kahina-hinalang departure stamp sa kanyang pasaporte.
Sinabi ni I-PROBES Chief Leni Maminta na iginiit ng pasahero na natapos na niya ang mga kinakailangang proseso para sa pag-alis ng bansa at nagpakilalang turistang bibiyahe patungong Malaysia.
Sa isinagawang pagtatanong, isiniwalat ng pasahero na may nakilala siyang contact sa loob ng NAIA Terminal 3 na kumuha ng kanyang pasaporte at boarding pass. Nang ibalik umano ang mga dokumento, mayroon na itong pekeng departure stamp.
Ayon pa sa pasahero, inalok siya sa pamamagitan ng Telegram ng tulong sa pagproseso ng mga dokumento at mga kinakailangan sa immigration. Hindi umano niya alam na may sangkot na paglalagay ng pekeng departure stamp sa kanyang pasaporte.
Dagdag pa niya, na-recruit siya para sa trabahong customer service representative (CSR) at nakapanayam ng isang dayuhan bago ang nakatakda niyang pag-alis ng bansa. Wala rin umanong hininging bayad ang mga indibidwal na sangkot kapalit ng pagbabalik sa kanya ng mga dokumento.
Kinumpirma naman ng Forensic Documents Laboratory ng BI na peke ang departure stamp sa pasaporte ng pasahero.
Nagbabala naman si BI Commissioner Joel Anthony M. Viado sa publiko laban sa pakikipagtransaksiyon sa mga hindi awtorisadong indibidwal na nag-aalok ng tulong sa mga proseso ng immigration o oportunidad sa trabaho sa ibang bansa.
Ayon kay Viado, maaaring mauwi sa human trafficking, illegal recruitment, at iba pang uri ng pagsasamantala ang ganitong mga transaksiyon.
Ipinasa na ang pasahero sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang tulong at karagdagang imbestigasyon sa kanyang recruitment at paglalakbay, gayundin sa mga posibleng paglabag ng mga indibidwal na sangkot.