Photo courtesy of Rep. Toby Tiangco
Kinuwestiyon ni Navotas City Rep. Toby Tiangco ang pagbawas ng Kamara sa pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Fund (NDRRMF) sa 2027 national budget, kahit nahaharap ang bansa sa matinding epekto ng El Nino.
Ayon kay Tiangco ang hakbang ng Kamara na ibaba ang pondo ng NDRRMF o calamity fund mula sa panukalang P45.67 bilyon patungong P36,17 bilyon, o katumbas ng P9.5 bilyong pagbaba.
“Pati iyong disaster risk reduction management office binawasan. Hindi ba papunta tayo sa Super El Niño, ‘di ba? So, Super El Niño is a disaster. Bakit mo babawasan ‘yung disaster risk and reduction disaster risk reduction management office?” tanong ni Tiangco.
Ayon kay Tiangco, ginawa ng Kamara ang pagbawas nang walang ibinibigay na paliwanag. Hindi rin sila binigyan ng pakakataon na magtanong sa period of interpellation.
Sinikap ni Tiangco na maibalik ang nabawas na pondo noong period of amendments ngunit lahat ng kanilang panukalang dagdag ay ibinasura ng Kamara.
Dahil sa nangyari, sinabi ni Tiangco na hindi niya naiwasang magduda, lalo pa’t walang transparency sa proseso ng pagpasa ng budget.
“When something is not transparent, lalo kang naghihinala. Ayaw man natin maghinala, ano ba iisipin natin kung ayaw nilang magpaliwanag, ‘di ba?” ani Tiangco.
Umaasa si Tiangco na maibabalik ang nabawas na pondo ng NDRRMF sa bersiyon ng Senado sa tulong nina Senador Ping Lacson at Senador JV Ejercito, na siyang chairperson ng Senate Committee on Finance.
“Doon sa House, pinasa na iyan (CADENA Act) ng Committee on Information and Communications Technology at napadala sa Committee on Appropriations noung May 09,2026 pa. Ibig sabihin limang buwan nang naandoon sa Committee on Appropriations, hindi gumagalaw,” ani Tiangco.
Ang bersyon ng CADENA Act sa Senado—Senate Bill No. 1506—ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong Disyembre 15, 2025, sa botong 17-0, nang walang tumutol o nag-abstain.
Sa ilalim ng CADENA Act, inaatasan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na mag-upload at regular na magpanatili ng detalyadong mga dokumentong may kaugnayan sa badyet—kabilang ang mga kontrata, halaga ng proyekto, bills of materials, at mga rekord ng procurement—sa isang Digital Budget Platform.
Layunin ng sistema na matiyak na ang lahat ng file ay pampublikong maa-access, protektado laban sa hindi awtorisadong pagbabago, nasusubaybayan, open-source, at nabe-verify.
“Iyong blockchain technology is about transparency also. Hindi ko talaga alam kung bakit ah parang may allergy sa transparency. Ngayon, kung ayaw mong maging transparent, wala nang choice iyong tao kundi magduda,” ani Tiangco.