Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa buong bansa na makiisa sa pag-iipon ng tubig-ulan o rain harvesting at sa matipid na paggamit ng enerhiya upang mapaghandaan at labanan ang epekto ng tagtuyot o El Niño sa Pilipinas.
Ayon kay Pang. Marcos, ang rain harvesting ay ang simpleng pag-iipon ng tubig-ulan gamit ang mga timba, drum, at iba pang malinis na lalagyan habang umuulan. Malaki ang maitutulong ng gawaing ito upang madagdagan ang supply ng tubig sa bawat tahanan, mapatagal ang supply ng tubig sa buong komunidad, at mapigilan ang mabilis na pagbaba ng antas ng tubig sa mga water reservoir.
Maaaring gamitin ang naipong tubig-ulan sa mga sumusunod na gawaing-bahay:
- Paglilinis (cleaning) ng bahay o kagamitan
- Paglaba (laundry)
- Pagdidilig ng mga halaman (watering plants)
- Pangdagdag na patubig sa sakahan (supplemental farm irrigation)
Gayunpaman, mahigpit na ipinaalala ng Administrasyong Marcos na ang naipong tubig-ulan ay HINDI LIGTAS INUMIN (not safe for drinking).
Ipinabatid din ng Malacañang ang iba’t ibang inisyatibo ng pamahalaan sa ilalim ng “Bayanihan Mode” upang masiguro ang seguridad sa tubig at kalikasan. Kabilang dito ang pagtatayo ng mga catchment system at water impounding structures sa mga komunidad, pati na rin ang pagsasagawa ng cloud seeding, pagtataguyod ng forest protection, at vegetable gardening.
Pinaalalahanan din ni PBBM ang mamamayan sa pamamagitan ng slogan na “Save Water, Save Power!” na gamitin nang wais ang bawat patak ng tubig at bawat watt ng kuryente, dahil ang maliliit na hakbang ng bawat isa ay may malaking epekto sa pagharap sa bansa ngayong El Niño.