Patuloy na tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek sa pananambang sa isang Basilan Regional Trial Court judge sa Barangay Tumaga, Zamboanga City.
Kaya naman nanawagan si Police Regional Office 9 (PRO 9) Director Police Brigadier General Elmer Ragay sa sinumang nakasaksi sa pamamaril, o may impormasyong makatutulong sa imbestigasyon, na huwag mag-atubiling lumapit sa mga awtoridad para agad na maaresto ang mga suspek.
Ayon kay Ragay, binawian ng buhay ang biktima matapos isugod sa ospital.
Batay sa ulat ng Philippine National Police, anim na tama ng bala ang tinamo ng biktima mula sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek na magkaangkas sa motorsiklo.
Sa ngayon, mayroon nang Special Investigation Task Group ang Police Regional Office 9 at Zamboanga City Police Office na tututok sa krimen.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen, kabilang ang posibleng kaugnayan nito sa mga kasong hinawakan ng biktima. | ulat ni Diane Lear