📸DICT
Nagpasalamat ang National Unity Party (NUP) kay dating DICT Sec. Henry Aguda kasunod ng kaniyang pagbibitiw sa pwesto.
Pinuri ng partido ang kaniyang pamumuno sa pagpapalakas ng online child protection, partikular ang paghingi ng pananagutan sa mga digital platform kaugnay ng grooming, mararahas na content at iba pang panganib sa mga bata.
Ayon sa NUP, nagbunga ang mga hakbang laban sa Discord at Reddit ng mga pangakong magtalaga ng local contact persons, pabilisin ang pagtanggal ng mapaminsalang materyal at magpatupad ng age-assurance systems.
Pinuri rin ng partido ang Digital Bayanihan initiative kasama ang mga telecommunications company para harangin ang child sexual abuse materials at iba pang mapanganib na content.
Kinilala din ng NUP ang mga digital priority na isinulong ni Aguda gaya ng e-governance, cybersecurity at panukalang gawing hyperscale data center para sa artificial intelligence ang lugar ng Bataan Nuclear Power Plant.
Ayon pa sa NUP, pinalawak din niya ang Free Wi-Fi for All, National Fiber Backbone at mga serbisyong digital ng pamahalaan.
Nagpasalamat ang partido sa kaniyang propesyonalismo at paninindigan, at nangakong ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mas ligtas at mas konektadong digital na Pilipinas.