Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na matiyak ang pagkakaroon ng ligtas at disenteng pabahay para sa mga pamilyang naapektuhan at nanganganib dahil sa mga kalamidad, pormal nang ipinagkaloob ng National Housing Authority (NHA) Bicol ang mga housing unit sa 63 pamilya mula sa Barangay Calbayog, Malilipot, Albay sa pamamagitan ng isinagawang Orientation and Raffle of Housing Units para sa Batch 1 ng Phase II ng Malilipot Resettlement Project sa ilalim ng Housing Assistance Program for Calamity Victims.
Ang mga benepisyaryo ay pawang mga residenteng dating naninirahan sa loob ng 6 kilometer Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Mayon at kabilang sa mga pamilyang inilikas matapos itaas sa Alert Level 3 ang bulkan.
Kasama rin ang mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang kalamidad sa lalawigan.
Ayon kay Engr. Rolando Ramos, Officer-in-Charge ng NHA Bicol, ang Malilipot Resettlement Project ay itinayo upang magsilbing ligtas at pangmatagalang tirahan ng mga apektadong pamilya.
Aniya, hinati sa dalawang yugto ang proyekto kung saan may kabuuang 233 housing units sa Phase 1, habang mayroon namang 413 housing units sa Phase 2.
Tiniyak din ng NHA Bicol na ang proyekto ay idinisenyo batay sa konsepto ng human settlements, kung saan may sementadong mga kalsada, maayos na underground drainage system upang maiwasan ang pagbaha, at may koneksyon na sa suplay ng tubig at kuryente.
Samantala, patuloy ang NHA Bicol sa paggawa ng mga panukala at plano upang mailipat sa mas ligtas na lugar ang lahat ng residenteng naninirahan sa loob ng 6-kilometrong PDZ ng Bulkang Mayon, bilang bahagi ng pangmatagalang solusyon ng pamahalaan sa panganib na dulot ng mga natural na kalamidad.
📸 NHA Bicol