Dinagsa ng libo-libong homeseeker ang pagbubukas ng Mindanao Housing Fair 2026 sa SMX Convention Center sa Davao City nitong Huwebes, November 12.
Pinangunahan nina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling at Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta ang pagbubukas ng dalawang araw na housing fair na magtatagal hanggang ngayong araw, November 13.
Tampok sa expo ang mahigit 20,000 ready-for-occupancy housing units mula sa mahigit 40 property developers na kalahok sa programa.
Bahagi ito ng patuloy na pagpapalawak ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na naglalayong mabigyan ng mas maraming Pilipino ang pagkakataong magkaroon ng sariling bahay.
Bago ang aktibidad sa Davao, nagsagawa rin ang DHSUD at Pag-IBIG Fund ng mga katulad na housing fair sa Visayas bilang bahagi ng National Shelter Month, gayundin ang National Housing Expo sa Pasay City na itinuturing na pinakamalaking housing expo na inorganisa ng pamahalaan sa ngayon.
📸 DHSUD


