Pormal nang tinanggap ni outgoing Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlito Mendoza ang appointment sa kanya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang bagong pinuno ng Bureau of Customs (BOC).
Sa inilabas nitong pahayag, nagpasalamat si Mendoza sa Pangulo sa panibagong pagkakataong makapaglingkod sa pamahalaan, at sinabing handa siyang gampanan ang kaniyang bagong tungkulin sa Bureau of Customs.
Nagpaabot din siya ng pasasalamat sa kaniyang mga nakatrabaho sa BIR, kung saan aniya, naging makabuluhan ang nakalipas na isang taon ng kanyang panunungkulan.
Hinimok naman niya ang mga kawani ng BIR na suportahan si incoming BIR Commissioner Rolando Ligon Jr. para maipagpatuloy at makumpleto ang mga nasimulang proyekto ng ahensya.
Samantala, kinilala rin ni Mendoza ang mga repormang ipinatupad ng outgoing Customs Commissioner Ariel Nepomuceno at nangakong ipagpapatuloy ang mga nasimulang programa nito.