Photo courtesy of Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB)
Pinaigting na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang inspeksiyon sa mga pangunahing bus terminal sa bansa bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero ngayong long holiday break kaugnay ng 49th ASEAN Summit and Related Summits.
Ayon sa LTFRB, kabilang sa kanilang sinusuri ang roadworthiness ng mga pampasaherong bus, gayundin ang pisikal at mental na kahandaan ng mga driver at konduktor para sa mahahabang biyahe.
Samantala, nasa 372 passenger buses ang binigyan ng special permits para matiyak na sapat ang bilang ng mga sasakyang bibiyahe sa gitna ng inaasahang pagdami ng mga uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Pinakamarami rito ang 245 bus na biyaheng Northern Luzon, habang 111 naman ang nakalaan para sa Central Luzon. Ang iba pang special permits ay ipinagkaloob sa mga bus na biyaheng Bicol, Southern Luzon at Western Visayas.
Kaugnay nito, nagsagawa rin ng inspeksyon ang LTFRB sa mga bus terminal sa kahabaan ng EDSA Busway nitong Hhuwebes, November 12, para matiyak ang maayos at ligtas na operasyon ng pampublikong transportasyon.
Inatasan din ang mga regional office ng ahensya na tiyaking sumusunod ang mga terminal operator sa mga pamantayan sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero, kabilang ang pagkakaroon ng maayos na palikuran, proteksyon laban sa masamang panahon, at accessibility para sa senior citizens at persons with disabilities o PWDs.
Muling pinaalalahanan ng LTFRB ang mga konduktor na ipatupad ang nararapat na fare discounts sa mga kuwalipikadong pasahero.