Magsasagawa ng field exercise kaugnay ng Territorial Defense bilang bahagi ng Evaluation and Certification Program ang 101st Infantry “Sajahitra” Battalion sa ilalim ng 1102nd Infantry “Ganarul” Brigade, 11th Infantry “Alakdan” Division ng Philippine Army, sa bayan ng Omar, Sulu, sa darating na November 16-20, 2026.
Ayon kay CPT Bryan Jay Esteban, Civil-Military Operations Officer ng 101IB, layunin ng nasabing pagsasanay na higit pang maihanda ang mga sundalo, lokal na pamahalaan o LGU, iba pang ahensya ng pamahalaan, at mga residente sa pagtugon sa mga posibleng banta sa seguridad at iba pang uri ng sakuna.
Samantala, pinaalalahanan ni Pvt. Salip Alnajir Sadjail ang mga residente ng Omar, mga karatig-bayan, at mga bibisita sa lugar na huwag mag-panic o matakot sakaling makarinig ng mga putok ng baril sa panahon ng pagsasanay.
Tiniyak niyang bahagi lamang ito ng isasagawang military exercise at blank ammunition ang gagamitin.
Kabilang sa mga aktibidad na isasagawa ang troop and vehicle movements sa iba’t-ibang bahagi ng bayan, simulated military operations, pagtugon sa mga security incident, emergency response activities, at simulated civilian evacuation.
Isasagawa ang pagsasanay sa pakikipagtulungan at koordinasyon sa lokal na pamahalaan ng Omar, Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang katuwang na ahensya.
Layunin nitong higit pang palakasin ang koordinasyon at pagkakaisa ng lokal na pamahalaan, mga security forces, at iba pang ahensya sa pagtugon sa mga posibleng emergency at hamon sa seguridad.