Nag-abiso ang Korte Suprema hinggil sa posibleng pagkaantala ng mga online transaction at pagtugon sa mga email dahil sa nararanasang service outage ng Microsoft 365 na nakaaapekto rin sa maraming bansa.
Ayon sa advisory ng Supreme Court Public Information Office o SC PIO, kabilang sa mga apektadong serbisyo ang Philippine Judiciary 365 at Microsoft Outlook.
Nakikipagtulungan na ang Korte Suprema sa Microsoft upang maibalik sa normal ang mga apektadong online service ng hudikatura sa lalong madaling panahon.
Humingi naman ng pang-unawa at pasensya ang Korte Suprema sa publiko dahil sa pansamantalang pagkaantala at pagbagal ng kanilang online operations.