Mahigpit na ang isinasagawang pagbabantay at paghahanda ng Department of Health sa mga sakit na kakambal ng banta ng El Niño at matinding init.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay DOH Spokesperson Assistant Secretary Tagumpay Maniquis, inaasahan na nila ang pagsipa ng kaso ng mga sakit na may kaugnayan sa pagnipis ng suplay ng tubig tulad ng gastroenteritis, typhoid fever, diarrhea at iba pa gayundin ang mga sakit na direktang konektado sa mainit na panahon tulad ng heat stroke, heat cramps, atake sa puso at high blood pressure.
Naglabas na rin ng advisories ang DOH sa mga health center at ospital hinggil sa paghahanda sa epekto ng El Nino kaya naman makatitiyak na handa ang mga medical institutions at ospital sa buong bansa.
Ilan pa sa mga iniwang paalala ng DOH ay ang tamang pag-iimbak ng tubig upang hindi ito pamahayan ng mga lamok na posibleng pagmulan ng sakit na dengue gayundin ay tiyaking mapakukuluang mabuti ang iinuming tubig lalo na kung hindi sigurado sa pinagmulan nito.
Makabubuti rin na isagawa ang mga tips kontra sa mainit na panahon tulad ng pag-iwas sa paglabas sa katirikan ng init, palagiang pag-inom ng tubig at pagsusuot ng preskong pananamit at pag-iwas sa mga dekolor na kasuotan.