Kinondena ni Ako Bicol Party-list Representative Atty. Alfredo Garbin Jr. ang naiulat na pamamaril sa Bicol media personality na si Adrian Loterte noong Oktubre 12, 2026, at nanawagan ng agaran at masusing imbestigasyon.
Ayon sa paunang impormasyong natanggap ng tanggapan ni Garbin, sumasailalim sa gamutan si Loterte matapos ang insidente.
Binigyang-diin ni Garbin na walang lugar ang karahasan sa isang demokratikong lipunan, lalo na laban sa mga taong gumagamit ng kanilang karapatan sa malayang pagpapahayag. Aniya, dapat sagutin ang magkakaibang pananaw sa pamamagitan ng katwiran, katotohanan, at legal na paraan, hindi ng dahas.

Hinimok ni Garbin ang Philippine National Police (PNP), partikular ang Police Regional Office 5 (PRO-5), na magsagawa ng agaran, masusi, at walang kinikilingang imbestigasyon sa insidente, tukuyin ang mga responsable, at papanagutin ang mga ito sa ilalim ng batas.
Aniya, dapat ring alamin ng awtoridad kung may kaugnayanang pag-atake sa trabaho ni Loterte bilang media personality, habang isinasaalang-alang ang iba pang posibleng motibo hangga’t hindi pa napagtitibay ng ebidensya ang tunay na dahilan ng insidente.
Bilang mambabatas at pangunahing may-akda ng House Bill No. 1605, na naglalayong palakasin ang proteksyon, seguridad, at benepisyo ng mga media worker, iginiit ni Garbin na mahalaga ang kaligtasan ng mga mamamahayag sa pangangalaga ng demokrasya.
Nagpaabot din siya ng panalangin para sa paggaling ni Loterte at sa kanyang pamilya, habang nanawagan na manaig ang hustisya at lumabas ang katotohanan.