Ipinag-utos na ng Sandiganbayan Fifth Division ang pagpapatupad ng 90-araw na suspensyon kay Senador Jinggoy Estrada sa kanyang posisyon bilang senador.
Batay sa resolusyon ng korte, magsisimula ang suspensiyon sa oras na matanggap ang kautusan. Saklaw din nito ang iba pang pampublikong posisyon na kasalukuyang hawak o maaari pang hawakan ni Estrada.
Kaugnay nito, inatasan na ng Sandiganbayan ang Office of the Senate President, sa pamamagitan ng Office of the Senate Secretary, na ipatupad ang kautusan at ipaalam sa korte ang naging aksiyon sa loob ng limang araw mula sa pagtanggap ng resolusyon.
Awtomatikong matatapos ang suspensiyon matapos ang 90 araw mula sa pagpapatupad nito.
Si Estrada ay nahaharap sa kasong Graft at Plunder na may kaugnayan sa flood control scandal.