Pinasisiguro ni 1-Rider Partylist Representative Rodge Gutierrez sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi madadamay ang mga motorcycle taxi rider sa ipinataw nitong P555.75 milyong multa sa transport network company na Move It.
Ayon sa LTFRB, lumampas ang Move It ng 55,575 rider-partners sa awtorisadong limit na 17,746 sa Metro Manila, Cebu City at Cagayan de Oro City, kaya pinatawan ito ng tig-P10,000 multa kada sobrang rider.
Giit ng mambabatas , hindi dapat ang mga rider ang magdusa sa problemang may kinalaman sa paglabag sa rider cap at operasyon ng mga motorcycle taxi platform.
Babala niya, maaaring malagay sa alanganin ang kabuhayan ng mga rider na umaasa sa serbisyong ito para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya.
Sinabi rin ni Gutierrez na bagama’t may mga umiiral nang administrative guidelines para sa operasyon ng motorcycle taxi, wala pa ring permanenteng batas na lubusang magpoprotekta sa karapatan at kabuhayan ng mga rider.
Dahil dito, muling nanawagan ang 1-Rider Partylist sa Kamara at Senado na agarang ipasa ang Motorcycle Taxi Bill na magtatakda ng malinaw na regulasyon, demand-based na bilang ng mga rider at social protection para sa kanila.