Inatasan ng liderato ng Philippine National Police (PNP) ang mga tauhan nito na paigtingin ang police visibility sa lahat ng transport hub, pangunahing lansangan gayundin sa mga pangunahing lugar sa bansa.
Ito’y dahil sa patuloy nang dumaragsa ang mga nagsisipag-uwian galing sa mga lalawigan kung saan nila ginunita ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay nitong Undas.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, pinananatili ng pulisya ang pinaigting nilang seguridad lalo’t milyon-milyong Pilipino ang nagsipagbalikan na sa kanilang mga trabaho.
Dahil sa inaasahang mabigat na daloy ng trapiko, pinaalalahanan ng PNP Chief ang mga motorista na mag-ingat, sumunod sa batas trapiko at gawin ang mga hakbang pangkaligtasan sa lansangan.
Batay sa datos ng PNP, mahigit 40 milyong Pilipino ang dumagsa sa mga sementeryo at iba pang pangunahing himlayan sa bansa kasama ang kani-kanilang pamilya.