Pirmado na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Executive Order No. 130 na nagtatakda ng bagong patakaran sa suspensyon at pagbabalik ng klase tuwing panahon nn kalamidad.
Sa ilalim ng EO, hindi lamang mga lokal na pamahalaan ang maaaring magpasya sa suspensyon ng klase.
Mayroon na ring kapangyarihan ang mga paaralan na magkansela ng klase, kung mayroong banta sa kaligtasan ng mga estudyante at guro.
Sa ilalim ng kautusan, inilatag ang tatlong paraan ng pagsususpinde ng klase.
Una, automatic suspension of classes sa oras na mayroon inilabas na babala ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno, tulad ng PAGASA at PHIVOLCS.
Ikalawa, maaaring magdeklara ng suspensyon ang mga LGU sa partikular na mga lugar, barangay o paaralan, depende sa tindi ng panganib.
Ikatlo, maaari ring magpatupad ng sariling suspensyon ang mga paaralan kung mayroong aktuwal o napipintong panganib sa kanilang lugar. Kailangan lamang na makikipag-ugnayan sa LGU.
Sa tulong ng EO na ito, hindi na kailangang suspendihin ang klase sa buong lungsod o bayan kung ilang lugar lamang ang apektado ng kalamidad.
“Mas direkta ang aksyon, mas angkop ang tugon ng mga LGU. Magkakaroon din ng kakayahan ang mga paaralan na pagsuspinde ng klase kung talagang kinakailangan para sa mga estudyante dahil kaligtasan ng mga bata ang palaging una.” — Castro.
Tiniyak din sa kautusan na hindi tuluyang hihinto ang pag-aaral tuwing mayroong iiral na kanselasyon ng face-to-face classes, dahil kailangang magpatuloy ang pagkatuto sa pamamagitan ng alternative learning system.
“Batid ni Pangulong Marcos Jr., ang mga hamon sa kabataan dulot ng class suspensions… Malaking kawalan ang bawat araw na pagliban sa eskuwela, layunin ng bagong EO na tiyaking ligtas ang mga estudyante at patuloy lang ang kanilang pag-aaral.” — Castro.