Inanunsyo ni Education Secretary Sonny Angara na nakakuha na ang Department of Education (DepEd) ng nasa mahigit 172,000 Apple MacBook Neo laptops na ipamamahagi sa mga public school teacher at personnel sa buong bansa.
Ito’y sa Financial Results Conference Call ng Apple para sa 4th Quarter ng 2026 ngayong araw, sinabi ni Angara na magbibigay ito ng mataas na kalidad at maasahang teknolohiya upang direktang matugunan ang pasanin ng mga teaching personnel.
Sinabi naman ni Apple Chief Executive Officer John Ternus na ang kontrata nila sa DepEd ang pinakamalaki nilang nakuha sa sektor ng edukasyon para sa Mac.
Sa ilalim ng DepEd Computerization Program, nakapag-gawad na ng mga kontrata ang DepEd para sa 231,725 na laptop para sa mga guro sa buong bansa.
Binubuo ito ng 169,008 na MacBook Neo unit at 62,717 na Windows-based unit at kasama rin sa pagbili ang 3,646 na MacBook Neo laptop para sa mga administrative officer.
Nakatakda ang pamamahagi ng lahat ng 172,654 na MacBook Neo unit mula Nobyembre 2026 hanggang Marso 2027.
Nakuha ng DepEd ang MacBook Neo package sa halagang humigit-kumulang ₱43,000 bawat yunit, na mas mababa nang ₱6,900 sa Philippine suggested retail price nito na ₱49,900 para sa base model.
Kasama rin sa procurement ang limang taong warranty, isang kauna-unahang pagkakataon sa pagbili ng laptop ng DepEd, kumpara sa karaniwang isang taong retail warranty, kaya mas mahaba ang proteksyong nakuha ng pamahalaan sa mas mababang halaga.
Kabilang din sa package ang built-in productivity tools, pagpapadala at lohistika, at propesyonal na pag-unlad para sa mga makatatanggap nito.
