Screenshot
Tinitiyak ng Commission on Higher Education (CHED) sa isang press conference kasabay ng ASEAN-UK Higher Education Week 2026 na hindi lamang mga may kakayahang pangpinansyal ang makikinabang sa mga programang naglalayong maghatid ng de-kalidad na edukasyong pandaigdigan.
Ayon kay CHED Commissioner Dr. Michelle Ong, bahagi ng kanilang estratehiya sa transnational higher education ang pagpapadala ng mga guro sa mga prestihiyosong unibersidad sa ibang bansa upang matuto at makakuha ng kaalaman na maaari nilang ibahagi sa mga paaralan sa Pilipinas.
Naniniwala ang CHED na mahalagang maging instrumento ang mga guro sa pagpapalawak ng access sa global education upang mas maraming Pilipino ang makinabang dito.
Layunin nitong matiyak na hindi lamang iilang estudyante o mga pribilehiyadong sektor ang makakakuha ng oportunidad na magkaroon ng de-kalidad na edukasyon.
Sa pamamagitan nito, inaasahan ng CHED na mas mapapalawak ang kaalaman at kakayahan ng mga guro at mag-aaral sa Pilipinas sa pamamagitan ng internasyonal na pakikipagtulungan. | ulat ni Ej Lazaro